top of page

BALITA: Tigil-pasada sa Dec.18-29, ikakasa ng PISTON at MANIBELA

  • Feb 28, 2024
  • 1 min read

Tuloy ang tigil-pasada ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), at MANIBELA kontra sa Public Utility Vehicle Modernization Program simula Lunes, ika-18 ng Disyembre, hanggang sa huling Biyernes ng taon, ika-29 ng Disyembre. Ngayong Biyernes, sa ikalawang araw ng tigil-pasada ng PISTON, nakiisa ang transport group na MANIBELA sa pagprotesta hinggil sa nalalapit na deadline para sa pagkonsolida ng prangkisa ng mga public utility jeepneys sa Disyembre 31, nagsanib-pwersa ang dalawang grupo na ikasa at ianunsyo ang pagpapalawig ng transport strike hanggang sa huling Biyernes ng taon.


"Itong araw na ito, simula pa lang ng tigil-pasada. Sa susunod na linggo, ang PISTON at MANIBELA, ay magtutuloy-tuloy sa tigil-pasada, isang linggo hanggang Pasko, o hanggang matapos itong taon," ani MANIBELA President Mar Valbuena sa isang panayam.


Matatandaan din, nitong Martes, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na wala ng mangyayaring extension sa nasabing deadline ng pagkokonsolida. “Cannot let the minority cause further delays to the majority,” giit ni Marcos.


Isa rin sa naging ugat ng anunsyo ay ang inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na Memorandum Circular 2023-051 kahapon, Huwebes. Ayon sa Memo na nilagdaan ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, pagpasok ng taong 2024, “DEEMED REVOKED” umano at hindi na papayagang bumiyahe ang mga drayber at operador na hindi nakapagkonsolida ng prangkisa.


Samantala, ang mga consolidated transport service entity at individual operators na nakapagsumite ng aplikasyon para sa konsolidasyon ay maaaring pumasada at mag-operate sa ilalim ng kanilang Provisional Authority (PA) na valid hanggang Disyembre 31, 2024.


Artikulo ni Jordan Gutierrez

Layout ni Anisah Hadji Salic

Larawan mula sa The Manila Times




 
 
 

Comments


bottom of page