top of page

PUV Modernization Program, magastos at hindi maka-masa

  • Feb 28, 2024
  • 2 min read

Nakalulungkot isipin na sa layunin na mapaunlad ang Pilipinas, lalo na sa aspeto ng pampublikong transportasyon, naging hamon ito para sa ating mga kababayan na imbis na matulungan ay lalo pang mahihirapan dahil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na ipinatupad ng pamahalaan noong 2017 na naglalayon na tuluyang i-’phase out’ ang mga tradisyunal na jeep.



Sa ilalim ng Department Order (D.O.) No. 2017-011, inilunsad ang PUVMP upang mapaunlad ang kalidad ng pampublikong transportasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagpalit sa mga lumang jeepney na may edad na 15 taon pataas ng mas modernong mga bersyon ng sasakyan na mas mataas ang pamantayan sa kaligtasan at kapaligiran. Bahagi rin ng programa ay bawasan ang polusyon sa hangin at itaguyod ang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng paggamit ng mas mababang-emisyon na sasakyan. Gagamit din ng mga teknolohiyang gaya ng GPS, CCTV, at iba pang mayroong safety features upang mapabuti ang serbisyong pampubliko.


Sa kabila ng hangarin ng PUVMP, marami ang tutol sa programang ito, partikular na ang mga transport groups na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA). Sa katunayan, ang dalawang grupo ay muling nagpahayag ng patuloy na tigil-pasada simula ika-18 hanggang ika-29 ng Disyembre bilang pangontra sa programa at sa inilatag ng pamahalaan na sapilitang konsolidasyon ng prangkisa sa mga kooperatiba bago matapos ang taon.


Hindi naman natin masisisi ang patuloy na kilos-protestang isinasagawa ng PISTON at MANIBELA sapagkat ang PUVMP ay nangangailangan ng malaking badyet at hindi ito basta-basta kayang tustusan ng isang karaniwan na mamamayan. Tinatayang nagkakahalaga ng mga 600,000-700,000 pesos ang isang modernong jeepney, habang ang mga inirerekomendang unit ng pamahalaan ay umaabot ng mga 1.6-1.8 milyong pesos.


Isipin na lang natin na kung ang pangkaraniwang driver ng jeepney ay kumikita ng mga 500-600 pesos kada araw, at sa pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin ngayon, maaaring mas mababa pa ito, kakayanin pa ba nila na maglaan ng higit isang milyong piso, mula sa pautang man o hindi, para palitan ang isang unit ng sasakyan? Maaaring mawalan ng kabuhayan ang ating mga drivers at operators kung hindi sila makatutugon sa itinakdang deadline ng PUVMP ngayong taon.


Hindi masasabi na ang problema sa transportasyon ay mabibigyang lunas sa pamamagitan ng jeepney modernization lang. Sa pagpapatupad ng PUVMP, hindi dapat natin kalimutan ang pangangailangan ng mga ordinaryong mamamayan. Ang nabanggit na programa ay dapat na magsilbing solusyon para sa lahat at hindi lamang sa iilang sektor.


Sa pangkalahatan, hindi dapat hadlangan ang mga posibleng pagbabago na makatutulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng ating bansa, ngunit isagawa dapat ito nang mahinahon at may pag-iingat, upang hindi mabigla ang mga mamamayan, kasama na ang mga drayber na pinakaapektado ng programang ito.


Hindi dapat mawalan ng boses ang mga sektor na apektado ng polisiyang ito. Ang pamahalaan ay dapat makinig sa mga hinaing ng karamihan na magbigay ng makatarungan at epektibong solusyon sa halip na pwersahang ipatupad ang PUVMP. Maaari nating makamit ang ninanais na pagpapabuti ng sistema ng transportasyon sa pamamagitan ng maayos na implementasyon at suporta mula sa lahat ng sektor.

 
 
 

Comments


bottom of page