top of page

DAANG BAKAL, DAAN SA PAGBABAGO

  • Apr 13, 2024
  • 4 min read


β€œπΌπ‘ π‘Ž π‘›π‘”π‘Ž π‘π‘œ π‘ π‘Ž π‘†π‘‘π‘Ž. π‘€π‘’π‘ π‘Ž π‘ π‘‘π‘Žπ‘‘π‘–π‘œπ‘›, π‘’π‘ π‘‘π‘’π‘‘π‘¦π‘Žπ‘›π‘‘π‘’.β€œ


Ito ang sabi ko sa nagbebenta ng ticket sa PNR. Papunta ako ngayon sa Sintang Paaralan dahil ito na ang huling araw ng pasukan bago ang Mahal na Araw. Ngunit habang papalapit ang tren, sumagi sa isip ko na nakakalungkot lang dahil ito na nga rin pala ang huling araw na makakasakay ako sa PNR dahil sa gagawing North-South Commuter Railway (NSCR).


Kamakailan lamang ay inanunsyo ng PNR na ititigil muna nila ang kanilang operasyon na bumabaybay sa Tutuban-Alabang, Governor Pascual-Tutuban, at Governor Pascual-Bicutan sa ika-28 ng Marso hanggang sa matapos ang paggawa ng NSCR. Noon ay binabaybay nito ang Laguna hanggang Bicol pero dahil sa mga kalamidad at mga pinsala na nararanasan ay ilang istasyon na lamang ang mayroong biyahe. Ngunit ang gagawin na proyekto ay magkokonekta na sa Clark, Pampanga, Metro Manila at Calamba, Laguna. Magkakaroon ng 35 istasyon ng tren at kaya nitong magsakay ng halos 800,000 na komyuter sa taong 2029.


Ayon sa Inquirer, binanggit ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na magtatagal ang proyekto ng limang taon. Gayunpaman, ang tigil-operasyon ay malaki ang magiging dulot nitong positibo at negatibo sa mga komyuter. Kaya naman katulad ng barya, ang mga mamamayan ay may dalawang bahagi rin ng opinyon sa pagbabagong mangyayari. May mga sumang-ayon sa gagawin na pagbabago dahil mas madadagdagan at maisasaayos nito ang pampublikong transportasyon. Ang pagtigil ng operasyon sa Metro Manila ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero habang patuloy ang pagsasaayos, mapapabilis din daw ang proyekto ng walong buwan at makakatipid ang gobyerno ng P15.18 bilyon.



Kung ating babalikan, ang daang bakal ay kinikilalang unang riles na transportasyon sa bansa na malaki ang naitulong sa pampublikong transportasyon para sa mga mamamayan. Ang naghatid sa iba’t ibang destinasyon kagaya ng paaralan, bahay at trabaho. Ngunit ang dating imahe nito ay nagbago.


Naalala ko noon dahil sa mga balitang nakikita sa telebisyon kapag sasakay sa PNR ay hindi maiiwasan na mapupukol ka ng bato at sa mga insidente na nangyayari sa mga komyuter. Naluma at nasira na rin ito dulot ng walang pagbabago sa transportasyon gayundin ay nahayaan na magkaroon ng informal settlers sa gilid ng riles.


Samantala, may mga hindi rin sumang-ayon sa tigil operasyon ng PNR. Marami rin akong nabasang hinaing sa social media partikular na ang limang taon na tagal na ilalaan sa proyekto. Sapagkat kahit na may mga pagkukulang sa sistema ng daang bakal, malaki pa rin ang naitutulong nito sa karamihan na mapadali ang biyahe papunta sa kanilang mga destinasyon. Dahil halos 30,000 mga komyuter ang sumasakay rito sa loob lang ng isang araw.


Bilang estudyante, mas matagal nga naman ang biyahe sa mga bus at jeep lalo na kapag natapat pa sa rush hour. Isa pa, kung ikukumpara ang gastusin, mas mahal ang pamasahe sa bus kaysa sa tren. Kaya hindi lang sakit sa katawan ang aabutin dahil sa traffic kundi sakit na rin sa bulsa.


Sa kabilang dako, dahil sa mga hinaing ng komyuter sa tigil-operasyon na tatagal ng ilang taon ay nagbigay ng pahayag si PNR Chairman Michael Ted Macapagal, "Humihingi po kami ng paumanhin at humihingi kami ng konting pasensya sa ating riding public."

Isa pa ay tiniyak naman ng DOTr at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na may ginawa na silang alternatibong solusyon para sa mga pasahero at empleyado dahil sila ang lubos na apektado. Magkakaroon ng halos 50 bus na katulad sa ruta ng PNR na malapit lang din sa istasyon. Nagbaba na rin ang kinauukulan ng karagdagang impormasyon sa mga oras ng biyahe.


Gayundin, ang 306 empleyado naman na maaapektuhan sa tigil-operasyon ay bibigyan ng prayoridad kapag nag-apply ng trabaho sa DOTr agencies. Dagdag pa rito, ang mga kumikita ng minimum wage ay bibigyan ng karagdagang sweldo na katumbas ng halos apat na buwan na pagtatrabaho. Habang ang kumikita naman ng mataas sa minimum wage ay bibigyan ng katumbas na dalawang buwan na sweldo. Ang mga nagtatrabaho naman na nasa disadvantaged sectors o PWD, Senior Citizen at solo parent ay dadagdagan ng P10,000.


Isa sa mga dulot ng pandemya dahil limitado lamang ang sasakyan pampubliko ay nauso ang pagbo-book ng serbisyo sa motorsiklo at mga kotse na siyang naging tinatangkilik pa rin ngayong new normal ng mga komyuter. Gayundin may mga natapos ng bagong skyway at iba pang daan. Ngunit mapapansin na nangangalawang naman ang transportasyon natin sa tren partikular na ang PNR. Marami man ang nalulungkot dahil naging bahagi rin nila ito sa pang-araw-araw na takbo ng buhay, ngunit oras naman na para sumulong ang daang bakal sa pagbabago. Sa pag-andar ng sinasakyan kong tren, umaandar din ang aking isip kung saan ba ako sasakay sa mga susunod na araw dahil sa tigil-operasyon ng PNR. Nabaling ang aking tingin sa barya na isinukli sa akin ng nagbebenta ng ticket sa PNR station.


Isa… Dalawa… Tatlo… Tatlong piso na lang pala ang sukli ko sa pamasahe. Sa Pilipinas, ang traffic ang kalaban ng mga komyuter. Malaking oras ang nasasayang kaya isa talaga ang tren sa maaasahan na pampublikong transportasyon. Matagal man ang limang taon ilalaan para sa proyekto at huling sakay ko man β€˜to para sa taong ito, hindi pa naman ito ang huli para dalhin ang mga komyuter sa landas na progresibong sistema at operasyon ng daang bakal. Sapagkat ang layunin naman ng proyekto ay para sa kaligtasan, mabilis, maginhawa, komportable at abot-kayang transportasyon.


Tumayo na ako at naglakad papalabas ng tren. Sa lalim ng iniisip ko ay hindi ko namalayan na nasa Sta. Mesa Station na pala ako. Hiling ng isang komyuter ng daang bakal, na sana'y kasing bilis lang rin ng takbo ng tren ang pagsasaayos sa daang bakal na naghahatid at magsusundo sa mga Pilipinong pagod ngunit may pangarap.


Isinulat ni Katrina Barlam

Layout ni Jennifer Gaoiran


Comments


bottom of page